Bisikleta

©November 2008 (Fiction)

Tikitikitik…

Malapit na ring bumaba ang araw ngunit hindi pa rin tumitigil ang matandang mambobote. Kailangan niya pang kumita. Ilang araw na ring hindi naiibsan ang kumakalam niyang sikmura.

Tikitikitik…

Mabagal na tinahak ng matanda ang mga pamilyar na kanto. Mahina ang kita. Kailangan niyang ibahin ang kanyang ruta.

Tikitikitik…

Kailangan na rin niya ng panibagong bisikleta. Halos sampung taon niya nang pinagtitiyagaan ang yuping gulong sa unahan. Maayos pa naman ‘yung isa sa likuran ngunit sa ‘di mawaring kadahilanan ay humuhuni ito na tila ba’y nang-aasar sa kalagayan ng matanda. Kung minsan nama’y musika ang huning iyon. Lalo na kapag maraming nagbebenta ng bote at dyaryo, at lalo na ng bakal.

Tikitik… tik…

Napatigil ang matanda. Napalalim yata ang kanyang pagtatanto. Marahil nga’y tumatanda na rin siya at hindi niya mawari kung nasaan na siya. Hindi niya maalalang may iskinita pala sa parteng ito ng sitio. Mabuti na rin ito, ika niya sa sarili niya. Magandang paminsan minsa’y malihis ako ng landas upang makahanap ng mas mayabong na puno.

Tikitikitik…

Pumasok siya sa makitid na eskinita. Umaalingasaw ang amoy ng ihi. Hindi ito ininda ng matanda. Sanay na rin naman siya sa mga ganitong lugar.

Tik… tik… tik…

Pagkaraan ng ilang sandali, napatigil muli ang matanda. Tinanaw ang madilim at mabahong eskinita sa kanyang likuran. Tumingin siya sa harap at hindi makapaniwala sa kanyang nakita. Pumikit siya at muling idinilat ang kanyang mga mata. Ngunit hindi naglaho ang langit sa kanyang harapan.

Isang bahay… isang napakaganda at napakalaking bahay ang nakatambad sa kanyang harapan. Ngayon lamang siya nakakita ng mala-palasyong bahay.

“Bote, dyaryo, bakaaaal!”

Jackpot siya nito.

“Manong, wala akong mabibigay sa inyo ngayon.”

Nagulat ang matanda. Hindi niya namalayang may tao sa harapan ng bahay na maganda.

“H-ha?”

“Ang ibig kong sabihi’y bumalik na lang kayo bukas dito sa ganito ring oras at baka sakali’y may maibenta akong bote o bakal… o diyaryo.”

Tinitigan ng matanda ang batang lalaking nasa kanyang harapan. Matipuno at maputi ito. Nakasuot ng sando na pang-basketball at shorts na panlabas. Maganda ang kanyang sandalyas na balat. Mukhang mamahalin rin ang nakasuot na kuwintas sa kanyang leeg. Kakaiba ang kanyang mga ngiti. Datapwat maamo, hindi pa rin mapakali ang matanda. Habang minamata niya ang bata’y para bang may sumiklab na damdaming matagal nang nagtatago sa kanyang buong pagkatao. Natakot siya dito ngunit sa kabilang dako, para bang bumata ulit siya.

“Hello… Manong…”

“Ay, iho, pasensya na. Naalala ko lamang kasi ang aking kabataan nang nakita kita,” wika ng matanda sabay kamot sa kanyang ulo. Puti na halos lahat ng buhok ng matanda. Maitim at payat na payat na siya. Hindi katulad ng kanyang kabataan na pinagkakaguluhan siya ng mga babae sa sitio. Ngunit iisa lamang ang babaeng nakabihag sa kanyang puso – si Malou. Ah, ang kanyang nag-iisang si Malou…

“Janus.”

“Ano?”

“Janus ho ang pangalan ko. Si Manong naman eh. Hindi ka nakikinig sa akin,” ang mapagbirong wika ng binata.

“Ah. Ako si Moises. Pero tawag sa akin ng mga tao dito sa sitio ay Tata Moy,” wika ng matanda.

“Tata Moy!” ang galak ng binata, “sige ho Tata Moy magdidilim na. Sa tanda niyong ‘yan ay baka kayo magkasakit.”

Ngumiti ang matanda, “hindi pa ako ganun katanda, iho. Tumanda lamang ako dahil sa mga dagok sa aking buhay. Siya sige. Ako’y mauuna na.”

“Mag-iingat po kayo sa inyong pag-uwi tanda. Bumalik ho kayo bukas.”

Tikitikitiktik…

Bumalik si Tata Moy sa eskinitang kanyang pinasukan. Dumidilim na at halos wala na siyang makita. Lumingon siya sa magandang bahay na tila’y nilalamon ng kadiliman. Wala na si Janus sa harapan nito.

***

Nanlula si Tata Moy sa laki ng piraso ng bakal na ibinigay sa kanya ni Janus.

“Aba’y saan mo kinuha ito, iho?”

Hindi umimik ang bata. Ngumiti lamang siya at tinuro ang magandang bahay.

Kinilabutan ang matanda hindi lamang dahil sa ngiti ni Janus ngunit pati na rin sa kanyang nakita.

Tanggal ang bakal na harang sa isa sa mga bintana ng bahay!

“Ti-tinanggal mo i-iyon?”

“Hindi ko kasi makita ang kahalagahan ng mga bakal na nakakabit sa aking bintana. Tuwing tumitingin ako mula dito ay feeling ko preso ako. Kaya tinanggal ko,” ani Janus.

“I-ibig sabihn… b-bahay mo ito?”

Tumawa si Janus, “Oo naman! Aba’y mayaman ata ako! Halika, halika. Ituturo ko sa’yo lahat ng mga pag-aari ko.”

“T-teka lamang. Gumagabi na. kailangan ko nang umuwi. Maaga ko pang ibebenta itong mga nakolekta ko.”

“Ano ka ba, tanda. Wala ka bang night life? Kalimutan mo muna ‘yang mga iniisip mo. Let’s have fun!”

“Madaling sabihin iyan ng mga katulad mong mayayaman,” ang depensa ng matanda.

“Tignan mo nga naman. Sinasabi ng mga mahihirap, minamata sila ng mga katulad naming may pera ngunit sila rin naman hinuhusgahan kami. Hayaan mo’t hindi tayo masyadong gagabihin. Itu-tour lang naman kita. Isang oras lang ‘to, pangako,” mariing sagot ni Janus.

Tumagos sa puso ng matanda ang mga mata ni Janus habang ito’y nakatitig sa kanyang mga mata. Natatakot pa rin siya sa binata ngunit gustung-gusto niya itong kasama. Para bang nanunumbalik ang kanyang lakas. Parang unti-unting umuunat ang kanyang kulubot na balat at tumitibay muli ang kanyang tuhod. Hindi na nag-isip ang bata.

“Sige na nga. Pero sandali lang tayo ha?”

Lumiwanag ang mga mata ng binata, “Tara!”

Sumakay sila sa magarang sasakyan ni Janus. Mabilis itong humarurot mula sa eskinita pabalik sa bayan. Pumunta sila sa iba’t ibang mga bar, uminom ng cerveza at kumain sa isang mamahaling restawran.

Palalim na ang gabi nang nagdesisyong umuwi ang dalawa. Habang pauwi’y tinigil ni Janus ang sasakyan sa isang madilim na kanto.

“Teka lang Tata Moy. May kukunin lamang ako diyan sa isang bodega. ‘Di mo naitatanong eh pag-aari ko rin yan. Diyan ka lang sa sasakyan ha at sandali lang ako,” ani Janus. Tumakbo siya patungo sa bodega at naglaho sa likuran nito.

Ilang saglit lamang ay nagmamadaling bumalik si Janus sa sasakyan. May dala siyang bisikleta na kanyang inilagay sa likod ng sasakyan. Hindi na siya umimik nang pinaandar muli ang kotse. Hindi na rin nagtanong ang matanda.

Pagdating nila sa bahay ni Janus, binaba niya ang bisikleta, “Hayan Tanda. Sa iyo na ‘yan.”

“A-no?”

“Sabi ko, iyo na itong bisikletang ‘to. Tignan mo, bagong bago. Hindi humuhuni ‘yan. At isa pa, maganda ang mga gulong. Halika’t palitan na natin ang luma mong bisikleta. Alagaan mo ito ha at mamahalin ‘to,” ika ni Janus. Nanlilisik ang kanyang mga mata at hindi pa rin natatanggal ang kanyang ngiti.

Noong una’y natakot si Tata Moy. Hindi niya pa masyadong kilala ang binata ngunit napakabait nito sa kanya. Pero kung minsa’y natatakot rin siya dito. ‘Di hamak na mas makapangyarihan at mas malakas ito kaysa sa kanya.

***

“Tata Moy! Kamusta naman ang kita ngayong may bago ka nang bisikleta?Aba, talagang malinis pa rin ito ha,” ang pabati ni Janus sa kaibigan.

Ngumiti si Tata Moy habang palapit ito kay Janus.

“Maingat talaga ako sa mga gamit ko. Kapag matanda ka na, mas pinapahalagahan mo ang mga bagay, lalo ‘pag bigay sa ‘yo. At lalo na ‘pag ginagamit mo ito pang-hanapbuhay.”

“Tama ka diyan Tanda. O, naparito ka? Isang linggo na rin mula nung huli kang nagawi dito ah.”

“Nais ko sanang magpasalamat sa iyo. Malaking tulong talaga itong bisikleta. Hindi na ako masyadong nahihirapan sa pangongolekta ng mga bote at dyaryo. Lalo na ng bakal. Malayu-layo na rin ang nararating ko,” masayang balita ng matanda.

“Wow! Ayos! Teka lang Tata. Diyan ka lang. May ipapakita ako sa’yo.”

Naglaho si Janus sa likuran ng kanyang bahay. Ilang minuto na rin siyang hindi bumabalik kaya’t sinimulang ayusin ni Tata Moy ang kanyang mga nakolekta noong araw na iyon. Habang tinutupi ng matanda ang mga sakong hindi niya nagamit ay biglang may matulis na bagay na magaang tumusok sa kanyang batok.

“Huwag kang gagalaw, Tanda. Kung hindi matutuluyan ka.”

“Ja-Janus! Anong…”

Humalakhak si Janus at ipinakita ang tumusok sa batok ng matanda. Nanlilisik muli ang mga mata nito.

“Galing kasi ako sa Batangas. Bumili ako ng balisong. Hindi ito basta bastang balisong, Tanda,” ani Janus. Tunutok niya ito sa mga mata ng matanda. Kaunti na lamang ay masusundot na niya ang mga ito.

“Gusto mo bang makita kung gaano katalim ang blade nito, ha, Tanda,” pasigaw na tanong ni Janus.

“Ja-janus maghunos-dili ka…” walang kalaban-laban ang matanda.

Muling humalakhak ang binata, “Ang duwag mo naman eh. Kaya ka siguro hindi umasenso sa buhay. Dahil duwag ka! Duwag!”

Sinikmuraan ni Janus ang matanda. Napaupo ito at umubo.

Tila’y natauhan ang bata.

“T-Tata Moy. Sorry… sorry nadala lang ako. Ok ka lang?”

“Hindi.”

Nagsimulang umiyak ang matanda. Pinabayaan ito ni Janus. Mapaglaro pa rin ang kanyang mga mata. Nilaro niya ang kanyang balisong.

“Malou… Malou…” ungol ng matanda.

“Umuwi ka na, Tanda. Wala na si Malou. Kahit anong iyak mo, hindi na siya babalik sa’yo,” ani Janus habang nakaturo ang balisong sa matanda.

“Aaargh!” sigaw ng matanda. “Sino ka ba? Wala kang karapatang ganituhin ako!”

Humalakhak muli ang bata. Yumuko ito at inangat ang ulo ng matanda gamit ang kanyang balisong. “Pag-aari kita, Tanda.”

***

“Itay may bago akong kaibigan!”

“Talaga, anak, halika nga at halikan mo ang matanda mong tatay.”

Sinalubong ng yakap si Tata Moy ng kanyang anak.

“Ang ganda ganda naman ng anak ko,” ika ni Tata Moy, “sabihin mo, ano bang pangalan niyang bago mong kalaro? Paano mo siya nakilala? Baka naman pumupunta ka ulit sa ilog ha, sinabi ko nang huwag kang nagpupunta dun.”

“Tay, hindi ako pumupuntang ilog. Dito lang ako sa bakuran naglalaro. Tignan mo naman ang paligid, ‘Tay. At saka binisita ako ng kalaro ko dito. Kaibigan niyo nga daw siya eh.”

“Ha? Wala naman tayong kapitbahay dito. Wala rin naman akong maalalang kaibigan kong pagtitiyagaang puntahan itong bahay.”

“Ayaw mo ba nun, ‘Tay? Sa wakas may kalaro na ako. Sawa na akong kausapin ang mga manika ko eh.”

“Teka, ano nga ulit pangalan nung kaibigan ko na kaibigan mo na rin?” ani Tata Moy.

“Janus po.”

***

“Anak! Saan ka nanggaling? Kanina pa kita hinahanap?”

“Itay naglaro po ako kasama ni Janus. Nagtagu-taguan po kami kaso hindi ko na siya nahanap kaya umuwi na lang po ako.”

“Hindi ba’t sinabi kong huwag ka nang sumama sa Janus na ‘yan?”

“Pero Itay, siya lamang ang nag-iisa kong kalaro.”

“Mapanganib siya, anak. Hindi mo ba naiintindihan?”

“Itay, ngayon lang ulit ako nagkaroon ng kalaro simula nang namatay…”

“Huwag mong isali sa usapan ang nanay mo!”

“Salbahe ka, Itay! Sana ikaw na lang ang namatay! Sana si Inay na lang ang nandito! Mabuti pa si Janus, naiintindihan ako!”

Sinampal  ni Tata Moy ang anak. Hindi nakapagsalita ang bata.

Umamo naman ang matanda, “Halika na. Tumahan ka na. Hayaan mo anak. Malapit nang makapag-ipon ng sapat na pera ang tatay. Sa susunod na pasukan, makakabalik ka na sa eskwela. Magkakaroon ka na mga maraming kaibigan…”

Tumakbo palabas ng bahay ang bata.

***

“A-anak? Bakit? Anong nangyari?”

Naabutan ni Tata Janus ang kanyang anak na umiiyak sa isang sulok ng kanilang munting barung-barong. Nanginginig ang bata at basang basa ang kanyang damit sa luha.

“Itay… si Janus po…”

“Anong ginawa sa’yo ng hayup na ‘yun?”

“A-ayoko na pong makipaglaro sa kanya.”

“Tahan na anak. Hindi ka na iiwan ng tatay. Babantayan kita upang hindi na bumalik ang Janus na ‘yan dito sa bahay.”

“Itay pakisabi sa kanya na ‘wag na siyang makipaglaro sa akin… ayoko na… natatakot na ako sa kanya… Itay… ‘yung balisong… ilayo niyo ‘yung balisong…”

“Hayup! Ano ba talagang ginawa sa iyo ng Janus na iyon?”

“Tinakot niya ako, Itay. Papatayin niya raw po kayo, Itay. Patawad po Itay. Sinabi ko po kasi sa kanya na sana si Nanay na lang po ang buhay ngunit binawi ko rin po iyon. Hindi ko po sinasadya, ‘Tay. Patawad po.”

“Tahan na anak. Naiintindihan kita. Diyan ka lang at kokomprontahin ko ang walang hiyang ‘yan,” mariing winika ng matanda.

“Itay, huwag po. Baka po mapatay niya kayo. Ayoko pong maiwan sa kanya Itay. Huwag niyo po akong iwan. Dito lang po kayo sa tabi ko,” pagsusumamo ng bata.

“O sige, anak. Tahan na. Kumain na tayo’t matulog na. Hindi kita iiwan, pangako.”

***

Maagang nakatulog ang anak ni Tata Moy. Maliwanag ang buwan kaya’t madaling narating ng matanda ang madumi at mabahong eskinita gamit ang bisikletang binigay sa kanya ni Janus… si Janus na traydor.

“Magbabayad siya sa mga ginawa niya sa anak ko,” sambit ng matanda.

Nagulat ang matanda sa kanyang nakita nang nakalabas ng eskinita. Wala na ang mala-palasyong bahay ni Janus. Isa na lamang itong tamabakan ng basura.

“Imposible! Paanong mawawala ang napakalaking bahay ng ganun ganun na lamang?”

Sinuri ni Tata Moy ang paligid. Walang bakas ang pinagtayuan ng bahay. Pati ang mga poste at ang pundasyon nito. Sa halip ay puro basura ang paligid.

Biglang may narinig na pamilyar na halakhak si Tata Moy sa ‘di kalayuan.

“Si Janus ‘yun ah,” ika niya. “Walang hiya ka Janus,” sigaw ng matanda, “ngayon ka magpakita sa akin! Ngayon mo sabihin kung sino ang duwag sa atin!”

“Mas mahal na ako ng anak mo, Tanda! Wala na siyang pakinabang sa iresponsableng tatay na lagi siyang ginugutom at iniiwan,” sagot ni Janus.

“Kahit anong sabihin mo, Janus, ako pa rin ang ama niya. Walang dahilan na panghimasukan mo ang buhay namin at higit sa lahat, hindi mo kami pag-aari!”

Halakhak.

Hinanap ni Tata Moy ang pinanggalingan ng boses ngunit hindi niya ito makita. Naisip niya ang kanyang anak.

“Kailangan ko siyang protektahan,” aniya.

Dali dali siyang sumakay sa kanyang bisikleta at bumalik sa kanilang bahay. Natutulog pa rin ng mahimbing ang kanyang anak. Kinandado niya ang mga pinto’t bintana at umupo sa isang sulok ng bahay. Lumalalim na ang gabi ngunit hindi siya makatulog. Nararamdaman niyang nasa malapit lamang si Janus, nagmamatyag, nag-aantay ng pagkakataong agawin ang kanyang anak tulad ng pag-agaw nito sa kanyang asawa. Naririnig pa rin niya ang mga halakhak nito.

Tok tok tok…

Nakaidlip ang matanda. Nagulantang siya sa katok sa pinto.

“Sinong nariyan?” mariing tanong ng matanda.

“Magandang gabi po, mga pulis po kami. Dito po ba nakatira si Moises Dela Cruz?” ika ng tao sa labas.

Tinanggal ni Tata Moy ang kandado ng bintana. Humawak siya ng isang matigas na yantok at saka binuksan ang bintana upang sumilip. Mga pulis nga ang mga kumatok. Dalawa sila. Tinanggal rin ng matanda ang kandado ng pinto.

“Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo, Ser?” tanong ni Tata Moy.

“Ako si PO2 Tanglaw. Ito po si PO1 Liwanag,” pagpapakilala ng pulis, “Meron po kasing mga series ng robberies sa bayan noong nakaraang dalawang linggo. Usually po mga bakal sa mga bintana ang ninanakaw. Meron rin pong bisikletang ninakaw sa isang mayamang businessman. Galit na galit po siya sapagkat galing pa po sa ibang bansa ‘yung bisikleta. Napag-imbistigahan namin na iisang tao lamang ang may gawa ng mga pagnanakaw na ito. May mga nakapagsabi naman sa amin na nakikita nilang may ginagamit kang bisikletang pareho sa deskirpsyon ng may-ari sa kanyang bisikleta,” tumingin si PO2 Tanglaw sa kasama, “PO1 Liwanag?”

Pinakita ni PO1 Liwanag sa matanda ang litrato ng bisikletang nawawala. Parehong pareho ito sa bisikletang ibinigay sa kanya ni Janus! Nanlaki ang mga mata ni Tata Moy. Nanginig ang buong katawan nito. Hindi na siya nakinig sa eksplanasyon ng mga pulis. Sinipat niya ang hawak na yantok na kanyang tinago sa kanyang likuran. Matulis at malamig ang blade nito. Nagulat siya at sinilip ito… Isang balisong! Bigla niyang naalala lahat ng mga pagnanakaw.

“…eto po ang search warrant namin,” pagpapatuloy ni PO2 Tanglaw.

“Tatay, ano pong nangyayari?”

Nagising pala ang anak ni Tata Moy.

“Anak…”

Nilapitan nito ang anak sabay hablot dito. Kumaripas ng takbo si Tata Moy habang bitbit ang anak sa leeg.

“Itay… Itay tama na, nasasaktan ako,” pagmamakaawa ng bata.

“Wala na ang tatay mo, patay na siya,” ika ng matanda.

***

Hinabol ng mga pulis ang matanda patungo sa ilog. Nakapagtatakang napakabilis nito para sa kanyang edad samantalang may bitbit pa siyang bata.

Binilisan nila ang kanilang takbo nang may narinig silang sigaw ng bata pagkatapos ng isang nakakikilabot na halakhak.

Pagkarating nila sa ilog ay nagulat sila sa kanilang nakita. Ang batang babae, nakatayo sa tabi ng ilog, at umiiyak habang nakahawak sa isang duguang balisong.

Sa ‘di kalayua’y natanaw nila ang katawan ng matandang lalaki, wala na itong buhay at nakababad sa sarili nitong dugo. Sa tabi ng bangkay ay ang bisikletang hinahanap nila, yupi ang gulong sa harap samantalang natanggalan na ng hangin ang magandang gulong sa lukuran.

-END-

*this is an activity in our Scriptwriting class wherein we put together the different elements in the story (the old man, the bike, the eskinita, etc) to create our own unique story. This short story is inspired by the movie Hide and Seek starring Robert de Niro and Dakota Fanning. I hope you enjoyed reading.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s